Wednesday, February 25, 2009

Hamon sa USC 2009-2010

Hati ang konseho ng Diliman sa susunod na taon. Ayaw ko mang pangunahan ang mga bagay-bagay, natitiyak kong lalong mahihirapang makamit ang consensus ng USC sa bawat isyung pagpupulungan. Kung nitong nakaraang taon na dalawang partido lang ang mayorya at lamang pa ang isa, nakita na ang pagkakahati ng konseho, paano pa ngayong tatlo na silang nagkakagulo?

Hindi ko naman sinasabing may dominasyon dapat ng isang partido lamang. Marami marahil ang magsasabing "balanse" ang susunod na USC. Subalit kung itutumbas ang pagiging "balanse" sa pagiging neutral, palagay ko'y may malaking problema ang UP sa susunod na taon.

Wala namang magiging kaso ang pagkakahati nito kung hindi hahayaan ng mga niluklok sa posisyon na magkaroon ng personalan at partisan politics sa loob ng konseho.

Ang mahirap lang, iba-iba rin kasi sila ng interpretasyon sa kung ano ang makabubuti sa mga mag-aaral. Galing sila sa iba't ibang sulok ng lipunan at may iba't ibang interes na isusulong. Ang dapat lang sigurong laging isaisip ng mga nasa posisyon ngayon, isulong nila ang interes ng mga mag-aaral at magdesisyon batay dito. Sana, ito ang unahin nilang isulong kaysa interes ng kani-kanilang mga partido, sapagkat sa puntong ito, kinakatawan na nila ang konseho at hindi ang kanilang partido.

Wala naman akong problema sa hatian ng konseho kung lahat ng ipinangako noong kampanya ay matutupad. Kung mapapatunayan ng ilang niluklok na karapat-dapat sila sa posisyong inihalal sila, at hindi sila maglalahong parang bula makalipas ang eleksyon.

Siguro, sa oras na ito, tapos na akong manlumo sa resulta ng eleksyon. Wala na rin kasi itong magagawa sa puntong ito; sa huli, ang magagawa ko lang ay umasa. At kung biguin ako ng mga taong tinutukoy ko, ang magiging sagot ko ay walang pagpapaumanhing pagtatasa at pagtuligsa sa kung anumang maling hakbanging piliin nila.#

No comments:

Post a Comment

Got something to say? Say it now.