Monday, February 16, 2009

Sa Lumba Ranao: Anekdota ng diskriminasyon

Kanina, nagtungo kami sa dalawang magkahiwalay na komunidad ng mga Muslim dito sa Metro Manila para sa ginagawa naming dokyu. Yung isa, yung Lumba Ranao sa may Pasay (dapat gagawan ng artikulo ng feats last year, pero di na natuloy), at yung isa, malapit sa simbahan ng Quiapo. Walang masyadong kwento ang huli, maliban sa pinatakpan ang buhok namin bago pumasok sa mosque nila.

Iba ang kaso ng Lumba Ranao. Kinakailangan mong dumaan sa gilid ng creek sa may Roxas Blvd. Malayu-layo ang kailangan mong lakarin bago marating ang komunidad na nakaumpok na sa gilid ng mosque nila. Tagpi-tagpi ang mga bahay; hindi rin uso ang pagsusuot ng scarf o shawl ng mga kababaihan. At kinahaharap nila ang isang demolisyon dahil sa pagtatayo umano ng casino roon ng pamahalaan.

Isa pa, may nakabantay na guwardiya sa pinakadulo ng nilalakaran sa gilid ng creek. Sabi niya sa amin, sigurado raw ba kaming tutuloy kami (apat kaming babae lahat sa grupo). Nang tanungin namin kung bakit, ang sagot lang niya, "Muslim ang mga nandoon."

Na para bang sapat na dahilan na iyon upang matakot kami at huwag nang magtuloy. Na para bang ang salitang "Muslim" ay dapat iugnay sa mga negatibong bagay, na parang hindi mga tao ang tinutukoy niya.

Nakakalungkot. Nakakagalit. Pero ito ang tingin ng karamihang mga Kristiyanong Pilipino sa mga kababayan nating Muslim.#

No comments:

Post a Comment

Got something to say? Say it now.